MANILA, Philippines — Kalaboso ang bagsak ng isang 18-anyos na lalaki matapos mahuli para sa panghahablot ng cellphone sa Barangay Doña Imelda, Quezon City, Martes ng gabi.
Ayon kay Police Lt. Joseph Canlas, hepe ng Investigation and Detection Management Unit ng Galas Police Station 11, sa ulat ng ABS-CBN teleradyo, dali-daling tumakas ang suspek gamit ang motorsiklo matapos dekwatin ang cellphone ng biktima — kaso bigla siyang sumemplang.
“Sa kasamaang palad, yung suspek natin ay sumemplang at hinabol ng complainant natin. Saktong-sakto, 'yung mga pulis natin rumoronda,” ani Police Lt. Joseph Canlas sa ulat ng Teleradyo, Miyerkules.
"Nakita nila 'yung kumosyon na may hinahabol. That’s the time na pag-approach nila, sinabihan sila ng complainant na snatcher 'yung tao."
Nagtamo ng mga galos sa katawan ang suspek dahil sa pagkatumba ng sinasakyang motorsiklo.
Ayon pa kay Canlas, hindi ito ang unang beses na nahuli ang suspek sa snatching, nahuli na rin ito ngayong taon ngunit menor de edad pa lamang ito at itinurn over lamang sa DSWD.
Tinitignan naman ng pulisya ang posibilidad na may mga iba pang nabiktima ang suspek sa ibang lugar lalo’t motorsiklo ang gamit niya sa kanyang modus.
Samantala nasa kustodiya na ngayon ng PNP ang ginamit na getaway vehicle ng suspek.
Robbery snatching at paglabag sa R.A 11235 o Motorcycle Prevention Act ang kakaharaping mga kaso ng suspek.
Pinagdodoble ingat naman ng pulisya ang mga tao lalo na sa paggamit ng cellphone sa kalsada upang maiwasan ang ganitong krimen.