Kahit tumataas ang COVID-19 cases
MANILA, Philippines — Sang-ayon pa rin ang National Parent-Teacher Association Philippines (PTA) na maipatupad na ang face-to-face classes sa susunod na pasukan, sa kabila nang patuloy na tumataas na mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay PTA president Willy Rodriguez, base sa resulta ng isinagawa nilang online survey, 100% ng mga respondents ang nais nang ibalik ang face-to-face classes sa pribado at pampublikong paaralan.
Sinabi ni Rodriguez na halos wala ring natututunan ang mga mag-aaral sa online classes at apektado ang kanilang social life dahil hindi sila nakakalabas ng bahay.
Marami na rin naman aniyang mga mag-aaral ang bakunado na laban sa COVID-19.
Sa ngayon, hindi naman requirement ang COVID-19 vaccination sa mga mag-aaral para makadalo sa face-to-face classes, ngunit mandatory ito sa mga school personnel upang makapagturo ng in-person classes sa public schools, ayon na rin mismo kay dating DepEd Secretary Leonor Briones.
Iminungkahi naman ni Rodriguez na kung matutuloy ang face-to-face classes ay ihiwalay na lamang ang mga hindi bakunado, sa mga bakunadong mag-aaral, habang ang mga hindi bakunadong guro ay maaari aniyang magturo sa hybrid setup.
Una nang sinabi ni Pang. Marcos Jr. na target ng DepEd na magkaroon ng full implementation ng in-person classes hanggang sa Nobyembre.
Ayon naman sa DepEd, nasa 38,000 paaralan na ang handa sa pagdaraos ng face-to-face classes para sa School Year 2022–2023, na inaasahang magsisimula sa Agosto 22.