MANILA, Philippines — Bumubuti na umano ang kalagayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at patuloy na nagtatrabaho habang nasa kanyang bahay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga direktiba sa miyembro ng kanyang mga Gabinete.
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, na noong Sabado ng hapon ay binisita na ni Dr. Samuel Zacate ang Pangulo at sinabing may konting sintomas na lamang ng COVID-19. Wala na siyang lagnat at hindi naman nawalan ng pang-amoy at panlasa.
Sinabi rin ni Dr. Zacate na walang senyales ng respiratory distress o pneumonia ang Pangulo at normal na rin ang “vital signs”.
Matatandan na nagpositibo si Marcos sa COVID-19 sa isinagawang antigen test noong Biyernes, Hulyo 8, dahil nakaranas siya ng lagnat, pagbabara at pangangati ng ilong at paminsan-minsang pag-ubo.
Isang RT-PCR test din ang isinagawa kay Marcos na nagpapatunay na siya ay positibo sa SARS-COV-2.
Ito na ang pangalawang beses na nagpositibo sa COVID si Marcos, ang una ay noong kasagsagan ng pandemya noong 2020.
Ayon kay Angeles, pinayuhan ang Pangulo na sumailalim sa home isolation sa loob ng pitong araw bilang pagsunod sa protocol ng Department of Health (DOH) para sa mga fully vaccinated.