National Disaster Resilience Month: ‘Klarong in-charge sa kalamidad, kailangan na’— Bong Go
MANILA, Philippines — Habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Disaster Resilience Month, muling inihayag ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangangailangan ng batas na magtatatag sa Department of Disaster Resilience (DDR) upang magkaroon ng klarong in-charge sakaling may mangyaring ‘di inaasahang kalamidad sa bansa.
Dahil karaniwan ang mga natural na sakuna at kalamidad sa bansa at ang mga paghihirap na idinudulot nito sa mga Pilipino ay lumalakas sa gitna ng pandemya, nanindigan si Go na kailangang pagbutihin ang diskarte tungo sa katatagan at kakayahang angkop sa mga paulit-ulit na natural na pangyayaring ito.
“Dahil sa dalas ng mga natural na kalamidad tulad ng mga bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan na tumatama at pumipinsala sa atin taun-taon, panahon na para tanggapin natin na ang ating bansa ay partikular na mahina sa mga nagbabantang kalamidad,” sabi ni Go.
“Samakatuwid, ang paghikayat sa isang kultura ng pagiging maagap at kakayahang angkop ay mahalaga upang matiyak ang kahandaan at kaligtasan ng mga Pilipino sa mga oras ng krisis,” diin niya.
Muling inihain ni Go sa 19th Congress ang kanyang panukalang Department of Disaster Resilience Act na naglalayong lumikha ng isang empowered, highly specialized at responsive DDR na magbibigay ng malinaw na iisang command at pangunahing responsable sa pagtiyak ng ligtas, adaptive at disaster-resilient na mga komunidad.
Sa kasalukuyan, ang mga ahensya ng gobyerno na humaharap sa panganib ng kalamidad ay nakakalat sa ilang mga departamento at opisina at ang kasalukuyang namumuno na National Disaster Risk Reduction and Management Council ay gumaganap lamang bilang isang coordinating body.
- Latest