MANILA, Philippines — Partylist Pinatunayang hindi ampaw ang pinangako ng Social Amelioration and Genuine Intervention on Poverty o SAGIP partylist nung kampanya nang agad nitong ihain ang 10 “Power Bills” na naglalayong pagaanin ang paghihirap ng mga Pinoy sa tumataas na presyo ng kuryente.
Agarang umaksyon sina Reps. Rodante Marcoleta at Caroline Tanchay at isinulong ang 10 panukalang batas sa ika-19 Kongreso sa House of Representatives.
Una na rito ang House Bill 160 o ang System Loss Limitation Act of 2022, na naglalayong limitahan ang cap ng system loss mula 9.5% sa 1%. Sa ilalim nito, mapipigilan ang mga distribution utilities na ipasa ang pagbabayad ng system loss sa mga ordinaryong Pilipinong kumo-konsumo ng kuryente.
Inihain din ni Marcoleta at Tanchay ang HB 161 o ang VAT Exemption for Covered Electric Billing Act of 2022, na naglalayong gawing exempted ang mahihirap na pamilya o mga bahay na nasa 200 kilowatt per hour pababa lang ang konsumo mula sa 12% VAT sa lahat ng electric components.
Sa HB 164, nanawagan ito na amyendahan ang Oil Deregulation Law na magpoprotekta sa mga mamimili mula sa arbitraryong pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).
Ang HB 172 na gawin nang institusyon ang Energy Investment Coordinating Council (EICC), HB 173 na pag-ibayuhin pa ang natural gas industry upang magsilbing alternatibong pagkukunan ng natural gas maliban sa Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project.
Inihain din ng SAGIP Partylist ang HB 162 o Green Energy Auction Act, HB 163 o Laguna Bay Solar Park Development Act of 2022, HB 170 o Enhancing the Implementation of the Net Metering System Act, at HB 171 o Act Authorizing the Development of Idled and Unutilized AFP Real Estates for Potential Sites of Renewable Energy Projects.