Face to face classes, iurong sa Setyembre
MANILA, Philippines — Nananawagan ang isang grupo ng mga guro kina Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd), na iurong ang pagbubukas ng klase sa bansa sa kalagitnaan ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition (TDC) national chairperson Benjo Basas, ito’y upang mabigyan pa ang mga guro ng mas maraming oras upang makapagpahinga.
“From the very start, we teachers are entitled to two months of vacation to give us time to rest physically, emotionally and mentally. Unlike other workers, teachers don’t have sick or vacation leaves,” ani Basas, na isang guro sa Caloocan City.
Wala pang iniisyu na department order ang DepEd hinggil sa opisyal na school calendar para sa School Year 2022-2023, ngunit ipinanukala nang nakalipas na pamunuan na simulan ito sa Agosto 22.
Sinabi ni Basas na ang SY 2021-2022 ay nagtapos na noong Hunyo 24, ngunit kailangan pa rin nilang iorganisa ang mga end-of-school-year rites hanggang sa Hulyo 2.
Kailangan din nilang magsagawa ng remedial at enrichment classes para sa mga estudyante na nakatanggap ng bagsak na grado, mula Hulyo 4 hanggang Agosto 12, kaya’t ang ilan sa mga guro ay magkakaroon lamang ng 10 araw na bakasyon, bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Una nang sinabi ni Pang. Marcos na ang full implementation ng face-to-face classes ay target na masimulan sa Nobyembre.
- Latest