MANILA, Philippines — Idinepensa ng fishing group Hindi protektor ng mga smuggler si Navotas City Rep. Toby Tiangco, ayon sa isang samahan ng malalaking commercial fishing operator na nakabase sa Metro Manila.
Sa isang pahayag kamakailan ng Inter-island Deep Sea Fishing Association (IDSFA) kaugnay ng Senate Committee Report 649 na naglalaman ng mga pagbubunyag ukol sa talamak na agricultural smuggling sa bansa, sinabi ng grupo na nasaksihan mismo nito ang pakikipaglaban ni Tiangco sa mga smuggler nang manungkulang alkalde ng Navotas mula 2019 hanggang 2022.
Nilalaman ng nasabing committee report ang isang listahan ng mga di-umano’y protektor at smuggler ng mga produktong agrikultural at yamang-dagat kung saan napabilang ang isang nagngangalang “Toby Tiangco.”
Ayon sa IDSFA, naging matagumpay ang mga operasyon ng National Bureau of Investigation at iba pang tanggapan ng pamahalaan laban sa mga smuggler ng mga huling-dagat (tulad ng galunggong) sa Navotas dahil na rin sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lokal ng lungsod.
Sa katunayan, anang IDSFA, nagsasampa pa mismo ang Navotas City Government ng mga kasong kriminal – tulad ng mga paglabag sa Fisheries Code at Anti-agricultural Smuggling Law – laban sa mga nahuhuling smuggler, kasabwat, at protektor.
Sinabi ng IDSFA na dahil sa dedikasyon at kooperasyon ng pamahalaang lokal, sa ilalim ng pamumuno ni Tiangco, sa puspusang pagsugpo ng mga awtoridad sa iligal na gawain ay naitaboy ang mga smuggler at sindikato mula sa Navotas.