MANILA, Philippines — Ipababago ni Senador Francis Tolentino ang ilang patakaran sa pag-iimbestiga ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee na kanyang pamumunuan.
Sinabi ni Tolentino, ito ay para mas maayos na ang imbestigasyon ng komite at para na rin mapangalagaan ang karapatan ng kanilang iniimbestigahan.
Kabilang umano sa magiging patakaran nila ang pagkakaroon ng preliminary determination o pag- aaral muna ng komite tungkol sa usapin na paiimbestigahan ng isang senador kaya hindi sila agad-agad magpapatawag ng pagdinig sa sandaling may maghain ng resolusyon.
Maglalagay din sila ng takdang panahon kung hanggang saan ang itatakbo ng imbestigasyon at lilinawin ang kaibahan ng commitment order gayundin ang detention order kapag mayroon silang na-contempt at ipinakulong.
Magkakaron din ang komite ng permanenteng general counsel.
Nais din ni Tolentino na magkaroon ng probisyon ang Blue Ribbon committee para sa tinawag niyang referral to prosecute.
Ang ibig sabihin umano nito, ang mabubuo nilang committee report ay ipapadala sa kaukulang ahensiya ng gobyerno kung may irerekomenda silang kasuhan matapos ang imbestigasyon.
Matatandaan na sinabi ni incoming Senate President Migz Zubiri na si Tolentino ang magiging chairman ng Blue Ribbon Committee dahil ito ang napagpasyahan ng majority bloc ng Senado.