MANILA, Philippines — Naglabas ng babala ang mga bansang Ireland, France at Malta sa kanilang mga mamamayan na iwasan ang pagkain ng Philippine product na Lucky Me pancit canton na nagtataglay umano ng kemikal na pang-pesticide.
Sa advisory ng Malta sa pamamagitan ng Department of Information na hindi dapat ikonsumo ang naturang produkto dahil sa taglay na mataas na level ng ethylene oxide.
Ang Ethylene oxide ay isang kemikal na matatagpuan sa mga pesticides at disinfectants.
Agad namang tumugon ang pamunuan ng Monde Nissin at iginiit na walang halong Ethylene Oxide ang kanilang mga produkto.
“We would like to clarify that Ethylene Oxide is not added in our Lucky Me! products,” dagdag pa nito.
“It is commonly used treatment in spices and seeds to control microbial growth typical in agricultural products. These materials, when processed into seasoning and sauces, may still show traces of Ethylene Oxide,” paliwanag nila.
Tiniyak nito sa kanilang mga suki na lahat ng produkto nila ay nakarehistro sa Philippine Food and Drug Administration (FDA) at sumusunod sa standards ng US FDA.
Samantala, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala silang pinapa-hold na produkto base sa advisory ng naturang mga bansa.
“Wala pa tayo pinapa hold as we are still verifying the report and getting details.The incident was from Europe, our FDA now is verifying the report so we can issue further information to the public,” ayon kay Vergeire.