Marcos Jr. duda sa 6.1% inflation rate kahit datos na ng gobyerno
MANILA, Philippines — Duda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panibagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) pagdating sa bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin.
Ngayong Martes lang kasi nang sabihin ng PSA na bumilis ang inflation rate nitong Hunyo sa 6.1% kasunod ng serye ng mga oil price hikes. Higit itong mas mataas kumpara sa 5.4% noong Mayo.
"Of course the inflation rate is a problem not only in the Philippines but everywhere... 6.1% [inflation rate]? I think I would have to disagree with that number. We are not that high," wika ni Marcos sa isang press briefing.
"Much of our inflation is actually 'imported inflation.' It is imported because it is the inflation on the products that have suffered inflation that we import. So sumama na 'yung inflation nila [ibang bansa] sa atin."
"So we have to make those categorical differences so that we better understand really what the situation is."
Oktubre 2018 pa noong huling beses na mas mataas ang inflation rate kaysa ngayon, panahon kung kailan umabot ito sa 6.7%.
Malayo-layo ang inflation rate ng Pilipinas ngayon kumpara sa 2-4% target ng Bangko Sentral ng Pilipinas, dahilan para pag-isipan ngayon ng pangulo ang interest rate levels.
Una nang sinabi ni Nicholas Antonio Mapa, senior economist sa ING Bank ng Maynila, na lalo nitong mahihikayat ang BSP na labanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pamamagitan ng pagpapataas ng interest rates. Nangyayari ito ngayong nagkakaroon ng peso depreciation kontra dolyar, na siyang nagpapatindi sa imported inflation.
"So we are having to be careful, because essentially our monetary policy right now is essentially to use interest rates to control the inflation rate," patuloy pa ni Marcos Jr.
"The increase in commodity prices are, again, that's something that happens... beyond of our control."
Una nang itinaas ang minimum na pasahe sa jeep sa P11 sa buong Pilipinas bilang tugon sa serye ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, dahilan kung bakit halos barya na lang ang maiuwi ng maraming mga tsuper nitong Hunyo.
Sa tuwing tumataas ang presyo ng langis, kalimitan ding nagtataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na't kailangang dalhin sa iba't ibang parte ng Pilipinas ang mga produkto.
Una nang ipinapanawagan ng mga progresibong grupo ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at pagsususpindi sa pangongolekta ng excise tax sa langis upang makontrol ang pagsirit ng mga presyo.
- Latest