MANILA, Philippines — Nagbukas ang Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte – Carpio ng anim na satellite offices sa buong bansa.
Sa isang Facebook post nitong Sabado ng gabi, sinabi ni Duterte-Carpio na ang OVP satellite offices ay matatagpuan sa Dagupan City, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Davao, at Tandag sa Surigao del Sur.
Kumpiyansa ang bise presidente na sa tulong ng mga naturang satellite offices, madaling maipapaabot ng publiko sa kanyang tanggapan ang anumang problema o concerns upang kaagad na maaksiyunan ang mga ito.
“Sa aking unang buong araw bilang bise presidente, nagbukas po tayo ng mga satellite office sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matulungan ang ating mga kababayan na magkaroon ng madali at agarang access sa mga serbisyong mula sa Office of the Vice President,” ayon pa kay Duterte-Carpio, na siya ring nagsisilbing kalihim ng Department of Education (DepEd).
Una nang napaulat na maayos ang idinaos na transition sa pagitan ng kampo nina dating Vice President Leni Robredo at Duterte-Carpio.
Ipinauubaya naman ni Robredo sa bagong bise presidente kung ipagpapatuloy nito ang kanilang mga programang napasimulan.