MANILA, Philippines — Aksyon agad sa trabaho ang hinarap ni Taguig Mayor Lani Cayetano, ilang minuto matapos ang oathtaking nitong Hunyo 30, nang personal na binisita ang mga programa na pangunahing isinusulong ng kanyang administrasyon: ang kalusugan, pagpapa-unlad ng ekonomiya at ang katiwasayan at kaayusan sa nasasakupan.
Binisita ni Mayor Lani ang Taguig Love Caravan sa Barangay Balagtas Covered Court, Lower Bicutan kung saan maraming mga Taguigeño ang nakinabang at nabiyayaan ng libreng serbisyong medikal at dental, kasama na rito ang konsulta, wellness checkup, laboratory test, libreng bunot at palinis ng ngipin na una niyang inilunsad noon pang 2010.
Inihayag din ni Mayor Lani na kanyang ipagpapatuloy, palalakasin at palalawakin ang mga programang pangkalusugan na inumpisahan naman ni dating Mayor Lino Cayetano kasama rito ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.
Bilang bahagi ng programa sa pag-unlad ng ekonomiya, binisita ni Mayor Lani ang Work for Pay Orientation na ginanap sa R.P Cruz Elementary School, kung saan mahigit 200 benepisyaryo ng programa ang dumalo.
Ang proyektong Work for Pay ay para sa mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged (TUPAD) Workers ng Department of Local Employment. Layunin nito na tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng pandemya na hindi sakop ng ayuda ng pamahalaang nasyonal.
Isinagawa sa huling yugto ng okasyon ang “Panata” para sa Diyos, sa bayan at sa mga mamamayan sa pamamagitan ng buong-pusong serbisyo, ng lahat ng halal na opisyal ng lungsod.