MANILA, Philippines — "I offended none of my rivals in this campaign, I listened instead to what they were saying." — isa lang ito sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa katatapos lang na panunumpa noong Huwebes kahit nabanas naman talaga sa kanya ang ilang nakatunggali dahil sa mga nagawa at pinili niyang hindi gawin.
Ani ng ika-17 pangulo ng Pilipinas, wala sa kanyang isip ang mag "rebut" sa mga “kalaban.” Sa halip, nakinig na lang daw siya sa taumbayan.
Related Stories
"[I] did not think of rebutting my rivals, I listened to you, I did not lecture on who has the biggest stake in our success," wika niya.
Sa kabila nito, tila pinaringgan naman niya ang mga naging karibal dahil ang pagkakapanalo raw niya ay sinyales ng pagtanggi ng taumbayan sa “politics of division.”
Narinig diumano niya sa masa ang sigaw ng "pagkakaisa” na siyang naging tanging adbokasiya nila ng running mate na si Bise Presidente Sara Duterte noong campaign season.
"[W]hen my call for unity started to resonate with you, it did so because it echoed your yearnings, mirrored your sentiments, and expressed your hopes for family, for country, and for a better future," ani Marcos.
"[I] was not the instrument of change, you were that, you made that happen," pagpapatuloy niya.
'No-show' sa presidentiable debates
Magugunitang hindi dumalo ni isang beses si Pangulong Marcos. Jr sa mga inorganisang presidential debates ng Commission on Elections (Comelec) at ibang media giants dahil daw sa kanyang "hectic campaign schedules."
Sa isang CNN live debate, matatandaang nagpasaring si dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kaugnay sa partisipasyon ng mga kandidato sa mga debate.
“[K]ayo po ngayon ang HR Department, kami po ay aplikante sa trabaho. Gusto mo naman bang mag-hire ng isang empleyado na hindi mo nakausap, hindi mo nakita?” ani Moreno sa isang pahayag noong Pebrero.
"You deserve to know what’s in our minds. What matters is marinig niyo mismo sa bibig namin ang tunay na layunin namin para mapataas ang pamumuhay ng isang tao.”
Dahil sa pag-”no-show” ni PBBM, sumagi tuloy sa isip nina dating Sen. Panfilo Lacson at dating Senate President Vicente "Tito" Sotto III na lumiban sa isang presidential at VP debates ng Comelec dahil madalas namang lumiliban ang ibang kandidato.
Una nang hinamon noon ni Senador Manny Pacquiao si Marcos ng one-on-one debate.
"[K]ung gusto niya.. baka nahihiya siya sa maraming a-attend. Okay sa akin mag-debate kaming dalawa lang. [T]ingnan natin kung ano ang plataporma niya, kung ano ang plataporma ko," pahayag niya noong Marso.
Bukod dito, matatandaang personal ding hinamon ni dating bise presidente Leni Robredo si Marcos para sa isang debate. Wala ring nangyari riyan.
Ang tanging presidential debate na pinuntahan ni Marcos Jr. ay ‘yung ikinasa ng Sonshine Media Network International (SMNI) na pagmamay-ari ni Pastor Apollo Quiboloy, na siyang nag-endorso sa kanya..
Unpaid excise tax
Sa kabila ng paniningil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa P203-billion estate tax liabilities ng pamilya Marcos, ipinagdiinan ni Marcos na bunga lang ito ng mga ipinakakalat na “fake news.”
Matapos kasi ang ilang taon, hindi pa rin binabayaran ng Marcoses ang mga buwis dahilan para bigyan na ng BIR ng written demand ang kanilang pamilya patungkol dito.
Ikinainis ni Domagoso ang mga pahayag ni Marcos Jr. lalo na’t iginigiit ng huli na “hindi pa ito final and executory.”
Mismong BIR chief na itinalaga ni Bongbong na si Lilia Guillermo ang nagsabing final and executory na ito, alinsunod sa utos ng Korte Suprema.
"We have received a copy of a letter of Commissioner (Caesar) Dulay ng BIR na sinulatan sila noong December 2, 2021, na sinisingil na ng buwis ang pamilya Marcos sapagkat ito raw ay marapat lang na mapunta sa gobyerno," ani Moreno sa isang panayam kaugnay sa isyung ito na kinasasangkutan ng mga Marcos.
"If that is the case, this is a very good asset, malaking pera ito, 200 billion na pwede nating ipang-ayuda sa tao." — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles