Listahan sa ‘agricultural smugglers’ nasa Ombudsman na
MANILA, Philippines — Isinumite na umano sa Office of the Ombudsman ni Senate President Vicente Sotto III ang listahan ng mga indibiduwal kabilang ang ilang opisyal ng Bureau of Customs at Department of Agriculture na umano’y sangkot sa agricultural smuggling.
Sinabi ni Sotto na hindi lang ang listahan ang pinadala niya sa Ombudsman kundi maging ang buong committee report kung saan nakalagay ang rekomendasyon ng Senado at kung sinu-sino ang mga dapat kasuhan.
Ginawa umano ito ni Sotto dahil sa posibilidad na makaligtas ang mga nasabing opisyal dahil tapos na ang kanilang termino bunsod na rin ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte.
Iginiit din ng outgoing Senate President na ang talamak na agricultural smuggling sa bansa ay ipinarating niya kay President-elect Ferdinand Marcos Jr., na siyang mamumuno sa DA.
Paliwanag pa ni Sotto, dapat na ibigay sa Ombudsman ang kopya ng report dahil trabaho nila ang mag-imbestiga at maghain ng kaukulang kaso laban sa mga mapapatunayang sangkot sa iligal na importasyon ng mga produktong agrikultural sa bansa.
Binalaan din ng senador ang National Intelligence Coordinating Agency o NICA na kapag itinuloy nilang pinabulaanan na sila ang nagbigay ng listahan ay mapipilitan siyang ilabas lahat kaya dapat ay manahimik na lang umano ang ahensiya.
Noong Martes ay pinabulaanan ni NICA director Edsel Batalla na hindi galing sa kanilang ahensiya ang nasabing listahan.
- Latest