MANILA, Philippines — Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte si Sen. Pia Cayetano na i-veto o ibasura ang Vape bill bago matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.
Ang Vape bill ay panukala sa regulasyon ng bentahan at paggamit ng nicotine at non-nicotine product o vape.
Paliwanag ni Cayetano, nagpapanggap lang ang vape bill na para sa ikabubuti ng kalusugan subalit ang totoo ay mga kabataang Pilipino ang tunay na target market kaya’t dapat lang itong i-veto ng Pangulo.
Nauna rito ay kinastigo ni Cayetano ang aniya’y ‘last-minute transmittal’ ng Kamara ng enrolled copy ng Vape Bill sa tanggapan ng Pangulo.
Aniya, ang opisyal na submisyon sa Malacañang ay naganap noon lamang Biyernes, Hunyo 24, bagama’t limang buwan na ang lumipas mula nang ipasa ng Senado at Kamara ang bicameral version ng Vape Bill noong Enero 26.
Para umanong sinadya ito, ayon sa senadora, para ‘di na mapag-aralang mabuti ng papalabas na administrasyon ang kontrobersyal na panukala.
Umaasa naman siya, ang medical community at ang Department of Health (DOH) na ive-veto ito ng Pangulo.
Hindi umano ito dapat maisabatas dahil ibababa ng Vape Bill ang age of access sa e-cigarettes mula sa kasalukuyang 21 tungo sa 18 taong gulang.
Bukod dito, pahihintulutan umano ng Vape Bill ang pagbebenta ng iba’t ibang vape flavors na taliwas sa kasalukuyang regulasyon na naglilimita lang sa dalawang flavors: plain menthol at plain tobacco.
Tatanggalin din ng Vape Bill ang regulatory authority sa e-cigarettes mula sa Food and Drug Administration (FDA) at ililipat ito sa Department of Trade and Industry (DTI), kung kaya’t mawawalan ng ngipin ang gobyerno para epektibong mabantayan ang banta sa kalusugan ng naturang mga produkto.