Grupo hinamon si incoming NSA Clarita Carlos: 'Bawiin pag-block sa mga website'

Incoming National Security Adviser Clarita Carlos speaks at a roundtable event in Ortigas, Pasig on Thursday, June 25, 2022.
The STAR/Michael Varcas

Manila, Philippines — Hinamon ng militanteng grupo ng mangingisda si incoming National Security Adviser Clarita Carlos na bawiin ang utos ng papalitang si Hermogenes Esperon Jr. matapos ipa-block sa National Telecommunication Commission (NTC) ang halos 30 websites kasama ang ilang news outfits, progresibo at rebolusyonaryong organisasyon. 

Kamakailan lang kasi nang i-take down ng NTC ang 28 websites dahil may "kinalaman" at "sinusuportahan" daw ng mga ito ang rebeldeng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines. Damay dito ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA).

Sa isang pahayag, sinabi nilang dapat tumupad si Carlos sa kanyang panawagang wakasan ang red-tagging — ito habang hinihimok siyang bawiin ang utos ni Esperon sa NTC. 

"If incoming NSA Carlos is sincere to end this malicious slander against activists and their organizations, she should recall the desperate order of her predecessor Esperon against our websites for starters,” ani Ronnel Arambulo, PAMALAKAYA national spokesperson, Martes.

"[She should] prove that she’s better [than] Esperon by deserting… this dangerous practice of associating advocacy-driven organizations to terrorism as the State’s internal security measure."

Isang linggo nang hindi ma-access ang kanilang website ng publiko, kagaya ng media outfits na Pinoy Weekly at Bulatlat, matapos sumunod ang mga internet service provider sa tinatawag nilang “arbitrary and unjust” na utos ni Esperon.

Una na itong kinundena ng mga aktibista’t media groups na pagsikil sa karapatan ang nangyayari, habang idinidiing hindi krimen ang pamamahayag at pagbabalita.

Naninindigan ang grupo ng mga mangingisda na ang kanilang website na angpamalakaya.org ay platapormang nagtatampok sa pang-araw-araw na kalagayan at pakikibaka ng maliliit na mangingisda sa buong bansa. 

Paliwanag pa nila, ang nilalaman ng karamihan ng kanilang website ay mga pahayag at paninindigan ng grupo sa mga sektoral at pambansang isyu na ipinararating sa publiko. 

Dagdag pa ni Arambulo, mas lalo lamang iigting ang kanilang ipinaglalaban kung sa halip na tugunan ay aatakihin ang malayang pamamahayag: "This desperate tactic of the State to silence dissent has been proven ineffective because clearly when there is injustice there is resistance. And resorting to attack against freedom of expression instead of accommodating and addressing the clamor will only mount the defiance." — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan

Show comments