Marcos, pamilya naghahanda na bilang ‘First Family’
MANILA, Philippines — Naghahanda na umano si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kanyang pamilya sa kanilang paglipat bilang First Family.
Sa kanyang YouTube channel sinabi ni Marcos na bukod sa kanyang sarili, maging ang kanyang asawang si Lisa at mga anak na sina Sandro, Simon at Vinny ay pawang nag-a-adjust sa kanilang pagiging miyembro ng Presidential Family.
Ayon kay Marcos, pansamantalang binitiwan ni Liza ang kanyang posisyon sa law firm na M & Associates na kanyang itinatag.
Maging ang panganay na anak na si Sandro ay inihahanda na rin ang kanyang bagong opisina para sa kanyang trabaho bilang kinatawan ng Ilocos Norte.
“Iyong dalawa ko pang anak, dahan-dahang nasasanay dahil marami silang bigla na security. Panay nga reklamo. Pero wala tayong magagawa, ganoon talaga ‘pag ikaw ay naging anak ng presidente,” sinabi pa ni Marcos Jr.
Samantala, inihayag naman ni Marcos na ang kanyang oath-taking sa Hunyo 30 ay magiging solemn at traditional at walang anumang gimik. Ang mahalaga umano ay kasama ang kanyang pamilya.
Umaasa naman si Marcos na magiging maganda ang panahon sa araw ng kanyang oath taking.
- Latest