Mababang sahod, isa sa dahilan
MANILA, Philippines — Ang mga Pilipinong manggagawa ang pinaka-stress sa buong Southeast Asia, base sa ginawang Gallup Survey sa ilalim ng “State of the Global Workplace: 2022 Report”.
Ayon kay Federation of Free Workers (FFW) vice president Julius Cainglet, pinakamaraming stress na laborers sa bansa ang mga contractual lamang.
“Isipin mo na nagtatrabaho ka ng buong hirap, tapos sisipain ka lang sa ikalima mong buwan dahil umiiwas ang employer mo sa regularisasyon,” saad ni Cainglet.
Wala umanong katumbas ang stress na nabubuo sa loob ng apat na buwan sa kakaisip kung magpapatuloy pa ang trabaho.
Sa ilalim ng Labor Code, otomatikong magiging regular ang isang empleyado na aabot sa anim na buwan sa isang kumpanya sa isang taon.
Kasunod ng sanhi ng stress ng mga manggagawa ang mababang sahod, mabigat na trapiko, at pandemya.
Tinawag ni Cainglet ang sitwasyon na “very alarming” habang kabilang sa “unhealthy” na manggagawa rin ang mga Pinoy.
Kailangan umano ng mga employers na magsagawa ng dayalogo sa kanilang mga tauhan at makinig sa mga hinaing upang mabawasan ang stress ng mga empleyado.