MANILA, Philippines — Pabor si incoming National Security Adviser Clarita Carlos na payagan ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang madugong gera kontra-droga ni outgoing President Rodrigo Duterte.
Setyembre 2021 nang aprubahan ng ICC ang full investigation sa diumano'y "crimes against humanity" pagdating sa extrajudicial killings sa Pilipinas mula 2011 hanggang 2019, kasama na riyan ang mga abuso sa ilalim ni Duterte.
Related Stories
"10,000 times na ako na-interview tungkol diyan and I’ve declared already so many, many, many times imbestigahan ninyo iyang extrajudicial killings on the basis of which mag-iimbestiga ang ICC," wika ni Carlos sa panayam ng "The Mangahas Interviews" na inilabas nitong Biyernes.
"Let them investigate. As a matter of fact, I said, 'You invite them here [in the Philippines]. We have a team of scholars like us who can accompany them... 'Wag tayong minders. Bigyan mo sila ng alagwa na hanapin ang data na kailangang hanapin. Then, let them have their conclusions, whatever it is."
Sinabi ito ni Carlos kahit kilalang magkaalyado ang pamilya Duterte at si president-elect Ferdinand Marcos Jr., na siyang nagtalaga kay Carlos. Si vice president-elect Sara Duterte, na naging running mate ni Bongbong, ay anak ni Digong.
Ngunit matagal nang sinabi ni Marcos na haharangin niya ang ICC investigation kung siya ay mahalal na presidente. Sa ulat ng Inquirer.net noong Enero na naniniwala siyang gumagana ang judicial system ng bansa.
"That’s why I don’t see the need for a foreigner to come and do the job for us, do the job for our judicial system. Our judicial system is perfectly capable of doing that,” ani niya noon.
Una nang binanggit ng Malacañang na hindi sila tutulong sa anumang imbestigasyon na gustong gawin ng ICC sa Pilipinas hanggang Hunyo 2022, kung kailan magtatapos ang termino ni Duterte.
Sa huling ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency, aabot na sa 6,252 na ang napapatay sa mga anti-drug operations ng gobyerno simula nang naluklok si Duterte sa pwesto.
Gayunpaman, sinasabi ng human rights groups at preliminary investigation ni dating ICC Prosecutor Fatou Bensouda na maaaring mas mataas pa ito sa bilang na 12,000 hanggang 30,000, habang hindi raw nabibigyan ng due process ang mga suspek. Lagpas na 'yan sa maximum seating capacity ng Smart Araneta Coliseum (20,000).
"Human rights is primary. Kasi human security is the highest premium... Ano naman ang maaano mo kung ang sarili mong kapakanan ay hindi maprotektahan ng state?" sabi pa ni Carlos.
"So, the first protection is really the protection of the individual. So ‘yun ang tutukan natin. Yun ang basic platform natin."
Bago pa man mailagay sa Gabinete ni Marcos Jr., sinabi na noon ni Carlos noong Setyembre 2021 na dapat hayaan ang ICC na gawin ang trabaho nila na i-probe ang mga anomalya sa war on drugs.
Duterte muling binanatan ICC
Muling inasar ni Duterte ang ICC patungkol sa mga posibleng kahaharapin kaugnay ng reklamong crimes against humanity laban sa kanya.
"Ang ICC, nakikinig man kayo, huwag na kayong mag-drama ng idemandaidemanda niyo," wika niya, Huwebes, habang ina-award ang Madayaw Residences Units sa Davao City.
"Ayan, sinabi ko na sa mga kriminal lalo na ‘yang adik, magrape ng bata tapos patayin. Ay putang ina, ilista mo 'yan sa notebook ninyo."
Dati nang sinabi ni noo'y chief presidential legal counsel Salvador Panelo na hindi sila makikipag-cooperate sa ICC lalo na't nilisan na raw ng Pilipinas ang Rome Statute noong 2018, dahilan para "mawalan" na raw ito ng jurisdiction sa bansa.
Sa kabila nito, iginigiit ng mga human rights observers na pwede pa ring maimbestigahan ang mga abuso bago kumalas ang Pilipinas sa tratadong nagtatag ng ICC.
Papel ng ICC na mag-iimbestiga at maglitis ng mga pinakamalalalang krimen na tinututulan ng international community gaya ng "genocide, war crimes, crimes against humanity" at "crime of aggression."