MANILA, Philippines — Aabot na sa P6,000 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila makaraang aprubahan ng National Capital Region Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-TWPB) ang P1,000 dagdag-sahod sa kanila.
Mabebenipisyuhan nito ang nasa 200,000 kasambahay na nagtatrabaho sa rehiyon.
Sa kabila nito, naniniwala si outgoing Labor Secretary Silvestro Bello III na hindi pa sapat ang P1,000 dagdag sa sahod nila dahil sa patuloy na pagsirit sa presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin.
“In fact, sabi ko nga ‘yung increase to P6,000 eh napakababa pa ‘yun kasi sabi ko nga ngayon, nagbabayad na ako ng 7 (kasambahay) eh ‘di ba kasi ‘yung pagkakaroon ng kasambahay is not a necessity. To me, it’s just a luxury eh,” paliwanag ni Bello.
Isasailalim pa rin naman sa review ang desisyon ng NCR-TWPB ng National Wages and Productivity Commission (NWCP). Pero kapag naaprubahan na, mauumpisahan itong maipatupad may 15 araw pagkatapos itong mailathala.
Kung ang isang employer ay hindi susunod, maaari silang ireklamo sa regional wage board o sa anumang DOLE field offices.