MANILA, Philippines — Hinirang ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si dating Philippine Airlines (PAL) president at chief operating officer na si Jaime Bautista bilang susunod na Transportation Secretary.
Nagretiro si Bautista bilang pinakamataas na opisyal ng flag carrier noong 2019, at papalitan niya si incumbent Transport Secretary Arthur Tugade.
Ang pagpili kay Bautista ay kinumpirma kahapon ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez.
Tinanggap ni Bautista ang posisyon matapos personal na makipagkita kay Marcos sa kanyang tanggapan sa Mandaluyong.
Naging presidente ng Philippine Airlines si Bautista mula 2004 hanggang 2012. Bumalik siya upang pamunuan muli ang airline noong 2014 hanggang sa kanyang pagreretiro noong 2019.
Aminado si Bautista na mas malaki ang kanyang responsibilidad bilang pinuno ng DOTr kaysa sa kanyang naging responsibilidad bilang pangulo ng PAL.
Pero naniniwala rin si Bautista na kuwalipikado siya sa posisyon dahil sa kanyang karanasan sa mga operasyon sa paliparan at eroplano at magagamit niya ito bilang susunod na Kalihim ng Transportasyon sa Hulyo.