MANILA, Philippines — Naging pabago-bago ang desisyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa kaso ng News and Entertainment Network Corporation (Newsnet) at Now Telecom Company, Inc. (NOW Telecom) nang baligtarin at bawiin ang ‘frequency’ at ‘provisional authority’ para makapag-operate sa dalawang kumpanya na naunang ibinigay ng mga dating opisyal ng ahensya.
Sa dalawang magkahiwalay na resolusyon ng ARTA na may petsang Hunyo 17, 2022, binawi ng ARTA ang pagbibigay ng Declaration of Completeness at Order of Automatic Approval sa Newsnet at Now Telecom na ibinaba noon ni suspended ARTA Director General Jeremiah Belgica at kaniyang mga opisyal.
Isinunod ang pinakabagong desisyon ng ARTA sa hatol ng Department of Justice (DOJ) sa naging apela ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagpapawalang-bisa sa naunang mga desisyon nina Belgica.
Nabatid na noong 2019, naghain ng petisyon sa ARTA ang Newsnet na humihingi ng automatic approval sa provisional authority nito at sa paggamit ng frequencies sa buong bansa. Pinayagan ito ng ARTA ng naturang panahon.
Dahil dito, naghain ang NTC ng petition for adjudication sa DOJ noong 2020 na kinukuwestiyon ang hurisdiksyon ng ARTA sa pagbibigay ng awtoridad na mag-operate at frequencies.
Taong 2020 rin nang maghain ang Now Telecom ng kaparehong petisyon sa ARTA na humihingi rin ng automatic approval at ibat ibang frequencies sa bansa na pinayagan din ng ahensya.
Ngunit dito nagdesisyon ang DOJ na ibasura ang Order of Automatic Approval na inisyu ng ARTA pabor sa Newsnet. Ayon sa DOJ, hindi aplikable ang Ease of Doing Business Law at hindi dapat masapawan ang awtoridad ng NTC sa pagbibigay at paggamit ng frequencies.