Sunod na BIR chief 'kokolektahin pa rin' estate tax ng Marcoses sa ilalim ni Bongbong
MANILA, Philippines — Nangako ang susunod na commissioner ng Bureau of Internal Revenue na kokolektahin pa rin nila ang tinatayang P203 bilyong estate tax ng pamilya Marcos na hindi pa rin bayad kahit sa ilalim ng administrasyon ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. — aniya, kailangan nilang maging "good example."
Ito ang banggit ni Lilia Guillermo sa panayam sa ANC, Miyerkules, habang sinasabing gagawin nila ito basta't makuha na nila ang "tamang figures."
"We have to convert those properties to cash para madagdag sa tax collections ng BIR. And ganun ang gagawin ko," wika niya.
"Please give me time to look at the documents. How much are we talking about? I don't know if it's really 200-billion. If that is really the amount, imagine, it will really help collections of BIR."
Marso 2022 lang nang sabihin ng kawanihang inuutusan nila ang pamilya Marcos na bayaran ang naturang utang. Taong 1991 nang ma-assess ng BIR na P23.29 bilyon ang naturang estate tax, ngunit nagkaroon na ito ng interes dahilan para ipako ito ng ilan sa P203.81 bilyon.
Dati nang sinabi ni outgoing Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na kayang makapagpakain ng 59 milyong Pilipino ang P203 bilyon. Mungkahi naman ng ilang progresibong grupo, pwedeng gamitin ang unpaid taxes para bigyan ng ayuda ang mga hirap na hirap sa gitna ng oil price hikes.
Sinabi ni Guillermo na hindi dapat mag-alala sina Bongbong patungkol dahil hindi sila ang magbabayad nito ngunit ang "estate" na naiwan ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., na kilalang nagdeklara ng Martial Law noong 1972.
"Pwede ho ba, maging role model kayo [Marcos Jr.]? The Marcoses will now pay their taxes because nag-comply sa batas. It came from the Supreme Court, it's final and executory," patuloy ni Guillermo, na si Bongbong din ang nag-appoint.
"'Yun lang naman ang sasabihin ko sa kanya [Marcos Jr]... Ie-explain ko sa kanya. Siguro dalawa kami ni [incoming Department of Finance secretary Benjamin Diokno] mag-e-explain sa kanya."
DOF tutulungan BIR?
Paniwala ng susunod na BIR chief, ganito rin ang mismong magiging posisyon ni Diokno pagdating sa paghahabol ng naturang estate tax.
Sa kabila nito, una nang dumistansya si Diokno pagdating sa isyu ng estate tax, habang sinasabing "hindi dapat" idinidiin sa kanya ang bigat ng isyu.
Una nang sinabi ni outgoing Finance Secretary Carlos Dominguez III na desidido ang gobyernong kolektahin ang estate tax ng mga Marcos.
Marso lang nang magbabala si retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na posibleng hindi makolekta ang mga naturang utang oras na umupo sa Malacañang si Bongbong.
Ang mga naturang buwis ay iba pa sa mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos noong diktadura, na kinilalala na rin ng Korte Suprema noong 2003, 2012 at 2017. — James Relativo at may mga ulat mula kay Franco Luna
- Latest