MANILA, Philippines — Inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines ang buong Luzon sa ‘yellow alert’ nitong Martes ng hapon makaraang magpatupad ng puwersahang paghinto ng operasyon dahil sa mababang reserba sa enerhiya.
Inilagay ng NCGP ang Luzon sa yellow alert mula ala-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon makaraang anim na powerplants na may pinagsamang 1,592 megawatts ang tumigil ng operasyon.
Dahil dito, bumagsak na lamang sa 412 MW ang net operating margin ng Luzon grid na posibleng magdulot ng brownouts sa ilang lugar.
Nangangahulugan ang yellow alert na ang reserba ng enerhiya ay bumagsak na sa ‘ideal levels’ nito.
Nitong Lunes ay nailagay rin sa yellow alert ang Luzon at red alert naman nitong nakaraang Sabado.
Nangangahulugan naman ang red alert na ang power supply ay hindi sapat para matugunan ang pangangailangan at ang brownouts ay tiyak na mangyayari sa ilang lugar.