MANILA, Philippines — Batay sa kasalukuyang trend ng COVID-19 transmission, pwedeng tumalon patungong 1,000 ang arawang infections sa Metro Manila ng nakamamatay na virus sa pagtatapos ng Hunyo o unang linggo ng Hulyo, ayon sa OCTA Research Group.
Ito ang sabi ni OCTA Research fellow Guido David, Martes, sa Laging Handa briefing tatlong araw matapos banggitin ng Department of Health na posibleng umabot sa 800 hanggang 1,200 ang daily cases sa pagtatapos ng buwan.
Related Stories
"'Yung [average daily attack rate] sa Metro Manila, nasa mga 1.5 na, so tumataas siya. So posible ngang tumaas siya to seven, so ibig sabihin 'pag umabot tayo ng more or less 1,000 cases per day sa Metro Manila nasa seven na tayo na attack rate," ani David kanina.
"At that rate, medyo mataas na 'yung level of cases, posible itong mangyari by the end of June or 1st week of July base sa projections natin."
Doble ito ng naunang projection ng OCTA para sa pagtatapos ng Hunyo noong isang linggo, kung saan ipinagpalagay na aabot ito sa 500.
Maliban sa National Capital Region, sinasabing tumataas na rin ang hawaan kahit sa karatig na mga probinsya gaya ng Cavite, Laguna, Rizal at Western Visayas.
Una nang sinabi ng DOH na nagsisimula nang mag-peak uli ng dami ng COVID-19 infections sa Pilipinas. Ang lahat ng ito nangyayari matapos targetin ni incoming Department of Education secretary at vice president-elect Sara Duterte ang pagbabalik ng 100% face-to-face classes sa Agosto.
"We're not projecting an increase in hospital utilization. We should still be okay pero at that level siyempre kailangan talaga ng pag-iingat ng mga kababayan natin," dagdag pa ni David.
Tila kabaliktaran 'yan ng unang pahayag ng DOH, kung saan sinabing posibleng sumirit sa 4,800 ang COVID-19 hospitalizations pagdating ng Agosto kung mananatiling mababa ang nagpapa-"booster shot" at sumusunod sa minimum public health standards.
Kanina lang nang kumpirmahin ng Kagawaran ng Kalusugan na inaaprubahan na nila ang pagbibigay ng unang booster shots para sa mga batang edad 12-17.
Sa 70.03 milyong nakakakumpleto ng primary series ng COVID-19 vaccines, tanging 14.69 milyon pa lang ang natuturukan ng booster shots sa ngayon.
Aabot na sa 3.69 milyon ang nahahawaan ng naturang sakit simula nang makapasok ito sa Pilipinas nitong 2020. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 60,467 katao sa bansa.