MANILA, Philippines — Aprubado na ng Department of Health (DOH) ang mungkahi ng Health Technology Assessment Council sa pagbibigay ng unang COVID-19 booster shot ng Pfizer para sa mga batang edad 12-17.
"Yes, guidelines are being drafted already by DOH," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Martes, sa reporters pagdating sa desisyon ni Health Secretary Francisco Duque III.
Related Stories
JUST IN | Inaprubahan ni Health Sec. Francisco Duque III ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council na pagbibigay ng #COVID19 booster shots sa edad 12-17 years old, ayon kay DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire. | via JC Cosico pic.twitter.com/lZAZ5CRbBp
— News5 (@News5PH) June 21, 2022
Sa panayam sa radyo ni Vaccine Expert Panel (VEP) chief Dr. Nina Gloriani kanina, sinabing tanging Pfizer pa lang ang inaaprubahan ni Duque dahil sila pa lang ang nakapagbigay ng mga kinakailangang datos at unang nag-apply para sa emergency use authorization sa Food and Drug Administration.
Binigay ang pagsang-ayong ito para sa mga menor de edad lalo na't bumababa na ang immunity na bigay sa kanila ng primary vaccine series, maliban pa sa banta ng mga bagong variants at subvariants.
"Napirmahan na ni Secretary Duque ‘yung approval dito. Hinihintay na lang ‘yung guidelines which will come in very soon," ani Gloriani sa ulat ng GMA News.
"Meron na lang konting technicalities na inaayos tapos ilalabas na rin ‘yun. Pagkatapos noon ay puwede nang magbigay [ng boosters]."
"‘Yung 12 to 17 parang considered na adults, so hindi siya talagang maiiba. Although, medyo may nakita akong part ng hindi pa lumalabas na guidelines na 0.3 mL ang ibibigay. That’s Pfizer. Usually, I think that’s 0.5 [mL], so baka kalahati. Hindi pa ako masyadong sure pa doon."
Nangyayari ito ngayong nagpi-peak na uli ang COVID-19 cases sa Pilipinas habang tinatarget ng Department of Education ang pababalik ng full face-to-face classes sa Agosto.
Umaasa naman ang VEP na irerekomenda na rin ng HTAC ang paggulong ng second booster para sa general public.
Sa ngayon, tanging mga fronline healthcare workers, 60-anyos pataas at immunocompromised individuals pa lang ang binibigyan ng second booster shots. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5