MANILA, Philippines — Tinanggap na ng gwardyang si Christian Floralde ang paumanhin ng SUV driver na umararo sa kanya sa isang hit-and-run incident sa Lungsod ng Mandaluyong nitong ika-5 ng Hunyo — pero, hindi ibig sabihing lusot na ang suspek sa batas.
Ika-15 ng Hunyo nang humingi ng tawad si Jose Antonio Sanvicente kay Florande — na nabangga na niya, ginulungan pa ng kotse — sa isang press conference kasama ang Philippine National Police sa Camp Crame. Aniya, natakot at nataranta raw siya kaya tinakbuhan ang biktima.
Related Stories
"Tinatanggap ko 'yung pag-sorry niya, paghingi niya ng tawad sa akin, sa mga kamag-anak ko, sa pamilya ko. Pero 'yung kaso, nandoon pa rin 'yung kaso. Tuloy pa rin 'yung kaso," sabi ni Floralde sa panayam ng GMA, Lunes.
"Paano kung namatay ako, paano 'yung pamilya ko? Paano kung walang dash cam na video tapos namatay ako? Sino masisi, sino hahabulin? Itutuloy-tuloy namin hanggang sa makamit namin 'yung hustisya na nararapat po sa akin."
Hindi pa rin inaaresto si Sanvicente kahit lumantad na mismo kay PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. dahil wala pang warrant of arrest. Dahil dito, hindi maiwasang sabihin ng netizens at publiko na merong special treatment sa suspek, bagay na itinatanggi rin ng pulisiya.
Ilang linggong makalipas matapos ang insidente, ay nasa preliminary investigation stage pa lang ang reklamong frustrated murder at abandonment of one's own victim sinampa kay Sanvicente.
Nakatakda ang susunod na preliminary investigation sa ika-23 ng Hunyo kung saan inaasahang isumite ni Sanvicente ang kanyang counter-affidavit.
Matapos nito ay maaari nang isumite para sa resolusyon ang reklamo. Kung makahanap ng probable cause ang mga piskal laban kay Sanvicente, maaari nang maglabas ng warrant ang korte.
Kasalukuyang nasa Immigration Lookout Bulletin Order si Sanvicente. Hindi man nito mapipigilan ang kanyang paglipad kung sakali, ay maaalerto naman ang mga otoridad sa kanyang tangkang lumabas ng bansa.
Patuloy na gamutan
Maliban sa pananakit ng katawan, hanggang ngayon ay dama pa rin daw ni Floralde ang trauma mula sa pananagasa: "Parang kumikibot 'yung katawan ko tuwing makakakita ng sasakyan lalo na 'pag malapit sa akin," sabi niya.
"Sumuka ako ng dugo noon. Hindi ako makahinga noon, parang naipit 'yung labasan ng hangin. Kasi parang nauupos na kandila, parang titirik na."
Umabot na aniya ang kanyang hospital bill sa P83,000 na siyang binayaran ng kanyang ahensya. Patuloy pa rin naman daw siya sa gamutan hanggang sa ngayon para mainda ang pananakit ng katawan.
Biyernes lang nang sabihin ni Federico Biolena, abogado ni Floralde, na wala pang inaalok na tulong ang kampo nina Sanvicente sa kanyang kliyente.
Una nang binawi ng Land Transportation Office ang lisensya ni Sanvicente at diskwalipikado na siya mula sa pagkuha nito sa hinaharap, kahit ang pagmamaneho ng anumang sasakyan.