MANILA, Philippines — Pormal nang nanumpa si Sara Duterte bilang ika-15 Bise Presidente ng bansa sa isang seremonya na ginawa sa San Pedro Square, Davao City, kahapon.
Nanumpa si Sara sa kanyang dating propesor na si Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando habang hawak ng kanyang inang si Elizabeth Zimmerman ang Bibliya at nakamasid ang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang inaugural speech, tiniyak ni Sara na matatapos ang hirap ng mga maliliit na Pilipino.
Giit ni Sara, alam niyang siya ang magiging boses ng 32.2 milyong Pilipino na naghalal sa kanya upang tugunan ang kanilang pangangailangan.
Tiniyak din nitong magiging kakampi siya ng mga sundalo, pulis, magsasaka, mangingisda at ibang ordinaryong manggagawa upang maging maayos at maunlad ang Pilipinas.
Magiging gabay niya ang mga salita ni Dr. Jose Rizal na bigyan prayoridad ang kapakanan ng mga kabataan para sa kaunlaran.
Sabay-sabay aniyang bumangon ang bawat isa at patuloy na mahalin ang Pilipinas hanggang nabubuhay.
Panahon na rin anya upang matigil ang karahasan, pananakit, pang-aabuso, illegal drugs, transmitted disease, terorismo at misinformation.
Dapat ding ipakita ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagmamahal sa pamilya na sandigan sa anumang hamon ng buhay.
Ang hamon sa buhay ay dapat na nilalabanan ng pamilya at pagbibigay ng edukasyon ay isa na rito.
Dagdag pa nito na walang makakatalo sa kanyang pusong Pilipino.
Kabilang din sa mga dumalo sa okasyon sina President-elect Bongbong Marcos, dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Executive Secretary Salvador Medialdea, Sen. Bong Go at mga kaanak, kaibigan at kaalyado sa pulitika.