MANILA, Philippines — Ang nakaambang krisis sa pagkain ang isa sa mga unang hamong kakaharapin ng administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ayon kay Press Secretary-designate Atty. Trixie Cruz-Angeles.
Sa pahayag ng World Bank, World Trade Organization, United Nations Food and Agriculture Organization (FAO) at World Food Programme (WFP), patung-patong na krisis ang sanhi ng pinangangambahang kakulangan sa pagkain sa parating na mga buwan.
“Ang patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic, pa-iba-ibang panahon, krisis sa ekonomiya, armadong sigalot, pagsipa ng presyo ng langis at enerhiya, pambansang utang, at mga suliranin sa pandaigdigang supply chain dulot ng gyera sa Ukraine ay ang mga nakikitang dahilan kung bakit magkakaproblema sa suplay ng pagkain,” paliwanag ni Angeles.
Simula nang sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia, natigil ang shipment ng mga produkto mula sa mga pwerto ng Ukraine sa Black Sea, at bumaba ang bilang ng export shipments ng Russian Federation.
Ayon sa FAO at WFP hunger hotspots outlook, dahil sa giyera at kakulangan ng farm inputs, apektado ang produksyon ng agricultural products at food processing sa Ukraine, na nagdulot din ng epekto sa pandaigdigang suplay ng pagkain.
Sumipa rin ang presyo ng fertilizer na lalo pang pinalala ng pangamba sa merkado. 28-percent ng abono na gawa sa nitrogen at phosporus ay mula sa Russia at Ukraine.
Sa kabila ng hindi kontroladong “intervening factors,” nangako si Marcos na pursigido ang kanyang administrasyon na makamit ang mithiin para sa “food security” at “food sovereignty.”