MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Commission on Elections na umatras na sa kanilang nominasyon sa Sagip Partylist ang apat nitong nominees na nagbigay-daan kay Rep. Rodante Marcoleta na mapanatili ang kanyang pwesto bilang 2nd nominee ng grupo.
Inanunsyo nitong Biyernes ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na pinayagan nila ang Withdrawal of Nomination nina Erlinda Santiago, Kristine Angela Redoble, Fenicris Santos at Emelinda San Antonio, bilang 2nd hanggang 5th nominees.
Matatandaang umatras si Marcoleta sa kanyang senatorial bid noong May 2022 elections at ngayon ay muling manunungkulan bilang kongresista makaraang makakuha ng dalawang pwesto ang Sagip Partylist.
Nananatili naman si Caroline Tanchay bilang first nominee at magiging kinatawan rin nito sa Kongreso.
Si Marcoleta ay kabilang sa 12 kandidatong senador ng UniTeam ng BBM-Sara pero umatras dahil sa mahinang ranking sa mga survey.
Una rito, inihayag ni incoming Communications Secretary Trixie Angeles na ikinokonsidera ni Marcos na italaga si Marcoleta bilang susunod na Energy Secretary.
Si Marcoleta ay isa sa humarang na mabigyan ng 25 pang taong karagdagang prangkisa ang ABS-CBN.