MANILA, Philippines — Kasama ang bagong solicitor general at officer-in-charge ng Department of National Defense (DND), balik-gobyerno ang 98-anyos na si dating Sen. Juan Ponce Enrile bilang susunod na presidential legal counsel ni president-elect Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang sabi ni press secretary-designate Rose Beatrix L. Cruz-Angeles, Biyernes, sa isang pahayag 14 na araw bago ang inagurasyon ni Bongbong bilang pangulo.
Related Stories
"Among the new nominees... is former Philippine Senate President Juan Ponce Enrile, who will re-enter public service as Presidential Legal Counsel-designate six years after announcing his retirement from politics in 2016," ani Angeles.
Matatandaang nagsilbi rin bilang kalihim ng Department of Justice, acting secretary of Finance, at minister of National Defense si Enrile sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. — ama ni Bongbong — na nagpatakbo ng diktadura sa pamamagitan ng Martial Law mula 1972 hanggang 1981.
Bagama't kilalang malapit na kaalyado noon ng ama ni Marcos Jr., naging instrumental din si Enrile (o Manong Johnny) sa pagpapatalsik sa dating pangulo noong 1986 People Power Revolution matapos ang diumano'y electoral fraud. Sinasabing napanatili ni Marcos Sr. noon ang kapangyarihan ng pagiging diktador kahit tapos na noon ang Batas Militar.
Ilang taong nakulong si Enrile dahil sa 2014 plunder case matapos maisangkot sa multi-billion pork barrel scam. Tumatakbo pa rin ang kanyang kaso.
"I will devote my time and knowledge for the republic and for BBM because I want him to succeed," sabi ni Enrile, na kilala ring isang abogado na nagsilbi ng apat na termino sa Senado.
Guevarra at Faustino
Tinanggap naman ni outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra ang nominasyon bilang susunod na solicitor general, na tumatayong abogado ng Republika ng Pilipinas, nitong Huwebes.
Napili aniya ang kalihim ng Department of Justice dahil sa kanyang mahusay na paggampan bilang abogado sa nakaraang 30 taon. Nagtapos siya noon bilang second placer sa 1985 bar exams matapos makatanggap ng law degree mula sa Ateneo de Manila University.
Kinukuha naman ngayon si General Jose Faustino Jr., (Ret.) dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, bilang susunod na senior undersecretary at officer-in-charge ng DND, pwedeng kanyang hahawakan matapos ang one-year ban sa appointment ng mga retiradong military officers sa ilalim ng Republic Act 6975.
"Faustino's situation... was similar to current Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año's case, whom President Duterte designated as officer-in-charge but later assumed the Secretary position once the appointment ban lapsed," sabi pa ni Angelec. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag