MANILA, Philippines — Aminado si incoming Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III na hindi pa kaya na mapababa agad ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Taliwas ito sa unang pahayag ni outgoing Agrarian Reform chief Bernie Cruz na ang presyo ng bigas sa bansa ay maaaring mapababa sa P20 kada kilo, sa ikalawang bahagi ng 2023, sa pamamagitan ng “mega farm” o consolidated production.
Ayon kay Estrella, nakipag-dayalogo siya sa mga magsasaka na nagsabing ang farm gate price ay hindi maaaring mas mababa sa P10.
“Di kaya eh, ang kaya P14. Pagdating sa miller, tapos retailers pwede tayo sa P28,” ani Estrella, sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes.
“I don’t think it is [possible] In the very near future, it’s not possible. But you know how technology is,” aniya pa.
Kaugnay nito, sinabi ni Estrella, na apo ng unang Agrarian Reform chief Conrado F. Estrella Sr., na parehong inialok sa kanya ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos na pamunuan ang Department of Agriculture (DA) at ang DAR, ngunit ang DAR aniya ang kanyang pinili.
“I chose DAR and for the obvious reasons,” aniya pa. “We would like to be issuing titles under the presidency of President Bongbong Marcos.”
Tiniyak pa ni Estrella na ipa-prayoridad niya ang pagbusisi sa ginawang pag-aresto sa 91 magsasaka, land reform advocates, media, at mga estudyante sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac kamakailan.
Nabatid na ang mga magsasakang inaresto ay kabilang sa listahan ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).