Shortage sa pera, ibinabala ng BSP
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa posibilidad na magkaroon ng artipisyal na kakapusan sa pera ang bansa dahil sa pag-iipon ng mga Pilipino sa labas ng bangko.
Dahil dito, hinikayat ni BSP Governor Benjamin Diokno ang publiko na sa bangko mag-ipon ng kanilang pinaghirapang pera para umikot muli ang mga banknotes at barya sa merkado.
Kung kakapusin kasi ang bansa sa umiikot na pera dahil sa pag-iimpok sa mga alkansiya o ibang pamamaraan ng publiko, mapipilitan ang BSP na mag-imprenta muli na magdudulot sa mas mataas na gastos sa produksyon.
Bukod sa mga bangko, maaari ring maglagak ang tao ng kanilang pera sa mga ‘e-mony issuers’, ‘microfinance institutions’, mga kooperatiba, ‘non-stock savings’, at mga ‘loan associations’.
“The unnecessary accumulation of banknotes and coins prevents Philippine currency from being recirculated and used as payment instruments,” saad ni Diokno.
Kung mas kakaunti umano ang iimprenta na pera at imi-mint na barya ng BSP, mas malaki ang pondo na maibibigay nito sa nasyunal na pamahalaan na magagamit sa pagbibigay-serbisyo sa taumbayan.
- Latest