MANILA, Philippines — Nagbabala ng mas maraming COVID-19 hospitalizations ang Department of Health (DOH) kung mababawasan pa ang sumusunod sa health protocols at nagpapa-booster laban sa nakamamatay na virus — bagay na maaaring mas malala pa raw kaysa noong kasagsagan ng mas nakahahawang Delta variant sa Pilipinas.
Ito ang ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Miyerkules, matapos matanong tungkol sa epekto ng "waning immunity" nang marami dahil sa kakaonting bilang ng nagpapa-booster shot laban sa COVID-19.
Related Stories
"Base po don sa scenario [ng research firm na Autumn] kung saan nakapasok ang mas transmissible na subvariants, tayo ay nakapagbaba na noong minimum public health standards at tska 'yung ating booster uptake ay mananatiling ganito... magkakaroon po tayo ng pagtaas ng pagkakaospital pagdating ng August of this year," sabi ng DOH official sa isang briefing.
"This would be around 4,800 plus, which is much more. Mas mataas po ang hospitalization na projected na ito kaysa noong nagkaroon tayo ng Delta variant."
Hindi naklaro ng DOH kung ang 4,800 figure ay "daily" o "monthly" figure. Ang Autumn ay isa sa mga partners ng DOH gaya ng FASSSTER na gumagawa ng projections at modelling para sa gobyerno ngayong pandemya.
Nangyayari ito ngayong nakapagtala ng 270 bagong COVID-19 cases sa nakaraang linggo, na siyang 48% na mas mataas kumpara sa nakaraang linggo.
Kanina lang din nang iulat ng kagawaran ang anim pang kaso ng mas nakahahawang BA.5 at 10 pang kaso ng BA.2.12.1 Omicron subvariants. Sa kabila nito, idiniin ni Vergeire na wala pang nakikitang direktang ugnayan ang mga naturang subvariants sa pagtaas ng mga kaso nitong nakaraan.
"Ngunit, lagi nating sinasabi, these are projections, Hindi po ito cast in stone na necessarily na mangyayari talaga," saad pa niya.
"Ito pong projections na ito ginagawa para makapag-prepare tayo so that we can be guided in our preparations and planning."
Maiiwasan naman daw ang pag-abot sa mga kinatatakutang bilang kung magpa-COVID-19 booster shot pa ang mas marami, lalo na't bumababa ang immunity ng mga nagpapabakuna laban sa virus habang tumatagal.
Posible raw kasing mauwi sa severe o kritikal na sakit ang mga hindi nagpapa-booster lalo na kung senior citizen o may comorbidity.
Sa huling datos ng kagawaran na available sa kanilang website, 14.55 milyon pa lang ang nakakukuha ng booster shots mula sa 70.12 milyong nakakumpleto ng primary series ng bakuna.
Aabot na sa 3.69 milyon ang nahahawaan ng virus simula nang makapasok ito sa Pilipinas noong 2020. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 60,461.