MANILA, Philippines — Pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang nangungunang “urgent national concern” ngayon, base sa survey ng OCTA Research Group.
Sa survey na isinagawa noong Marso, 52 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing dapat solusyonan ng gobyerno ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin.
Pangalawang urgent national concern ang pagpapataas ng sahod, na sinagot ng 43 porsiyento. Sinundan ito ng pagkakaroon ng abot-kayang pagkain gaya ng bigas, gulay at karne na may 41 porsiyento.
“It’s an important issue that the government has to deal with. It’s likely to be the same sentiment for the incoming administration. You’ll notice an upward trend with issues related to inflation. This is a trend for a year now,” sabi ni OCTA fellow Ranjit Rye.
Ayon naman kay George Siy, head ng Integrated Development Studies Institute, hindi man direkta ang epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine pero malaki ang epekto nito pagdating sa inflation o bilis ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin.
Nagsimula ang giyera ng chain reaction sa pataas ng presyo ng produktong petrolyo, fertilizer, at mga produktong agrikultura na ginagamitan nito.
Kaya inaasahan ng mga analyst na bibigyang-prayoridad ng susunod na administrasyon ang pagbibigay ng subsidiya sa agrikultura.
Aabangan din umano sa pagsisimula ng administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr. kung itutuloy ba ang pamimigay ng ayuda sa mga mahihirap.
Hamon din umano sa papasok na administrasyon na pag-igihin ang pangongolekta ng buwis para mapondohan ang mga programa ng gobyerno.