MANILA, Philippines — Idiniin ng Malacañang na obligado pa rin ang lahat na magsuot ng face masks laban sa COVID-19, ito kahit na ginawa na lang itong "optional" para sa outdoor areas ng provincial government ng Cebu.
Kaugnay pa rin ito ng Executive Order 16 na inilabas ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, kung saan hindi na kailangan ang face masks sa "well-ventilated and open spaces."
Related Stories
"We reiterate and support the legal opinion of the Justice Secretary that the Inter-Agency Task Force (IATF) resolution on the mandatory wearing of face masks shall prevail over the executive orders by local government units, including the one issued by the provincial government of Cebu," wika ni acting presidential spokesperson Martin Andanar, Martes.
"The Chief Executive’s directive is clear: Continue wearing face masks; and the Department of the Interior and Local Government has instructed the Philippine National Police to implement the existing IATF resolution on wearing of face masks accordingly."
Lunes lang nang sabihin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi maaaring balewalain nina Garcia ang mga kautusan ng IATF, lalo na't binubuo ito ng Gabineteng panay alter-egos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kanina lang nang sabihin ni Garcia sa panayam ng CNN Philippines na paninindigan nila ang E.O. 16 lalo na't ang mga resolusyon ng IATF ay hindi naman batas na ipinasa ng Konggreso o executive order ni Digong. Kailangan din daw ng mga ordinansa ng local government units para parusahan ang mga lumalabag nito.
Nakatakdang pag-usapan ng pamunuan ng League of Provinces of the Philippines ang posibilidad na gawing optional ang naturang pananggalang mula sa nakamamatay na virus.
Sa kabila nito, inilinaw ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya na in-adopt na ni Duterte ang mga resolusyon ng IATF sa isang executive order.
Sinabi na ng Philippine National Police na patuloy pa rin nilang ipatutupad ang mask mandates sa kabila ng kautusan ng Cebu provincial government.
Inilutang ang kautsan ni Garcia kahit na dahan-dahang tumataas pa rin ang COVID-19 sa Metro Manila, bagay na posibleng umabot sa 500 bago matapos ang Hunyo sabi ng OCTA Research.
Aabot na sa 3.69 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula 2020. Sa bilang na 'yan, patay na ang 60,461 katao. — James Relativo