MANILA, Philippines — Nais nang pag-usapan ng pamunuan ng League of Provinces of the Philippines ang hindi pagre-require ng face masks kontra COVID-19 sa maluluwag na pampublikong lugar — ito kahit na may posibilidad na iakyat uli sa Alert Level 2 ang Metro Manila dahil sa pagkalat ng virus.
Sinabi ito ni Quirino Gov. Dakila Cua, national chair ng liga, ilang araw matapos maglabas ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ng kontrobersyal na executive order sa kanilang probinsyang naglalayong gawing "optional" ito kapag wala sa indoor settings. Hindi ito kinoordina sa Department of Health.
Related Stories
"Hindi pa namin talaga napag-uusapan. But I look forward dahil sa Biyernes po meron kaming gaganapin na term-ender meeting at sana doon, plano ko rin po makipagkwentuhan at makipagtanungan sa aming mga kasamahan kung ano po ang kanilang pananaw dito sa isyu na ito," ani Cua, Martes, sa Laging Handa briefing.
"Pero nakikita po natin na may mga [local government units] na nagsasabing pag-aralan man lang, pag-usapan tignan ang datos."
'Huhupa at huhupa ang pandemya'
Una nang sinabi ni Cua na pinag-aaralan na nila gawin din ang pag-lift ng mask mandates sa Quirino lalo na't dapat daw itong mapaghandaan dahil "huhupa at huhupa" din naman daw ang pandemya.
Aniya, dapat na raw masimulan ang mga pag-aaral tungkol dito habang maaga pa lamang. Nagsasaliksik na rin daw sila ng gamit ang mga pag-aaral na inilabas ng World Health Organization at Centers for Disease Control and Prevention sa Amerika.
"Siyempre naman po kung makapapanganib naman po sa aming kaprobinsyahan eh hindi naman natin ipapatupad ang ganoong panukala," sabi pa ni Cua.
"But if there are areas na pwede na nating luwagan, halimbawa doon sa mga lugar na talagang kagubatan naman ang kanilang baranggay, at hindi naman talaga nagkukumpol-kumpol ang mga tao doon, ang yet we will require them to wear face masks everytime they are outdoors, baka naman there should be more depth to our policy depending on our data."
I-extend man daw ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. ang state of public health emergency dahil sa COVID-19, wala naman daw dahilan para itigil ang pag-aaral ng posibilidad ng pagtanggal ng mask mandates sa ilang lugar.
Magandang makapagbigay daw ng kanilang mga datos ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at OCTA Research upang makatulong sa naturang pag-aaral.
'IATF resolution sa masks hindi E.O., batas'
Kanina lang nang panindigan ni Garcia sa CNN Philippines ang desisyon niyang lagdaan ang Executive Order 16 lalo na't ang IATF resolution daw sa Alert Level systems ay hindi naman executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte o batas na ipinasa ng Konggreso.
Aniya, panawagan lang ang mga resolusyon at magiging epektibo lang oras na magpatupad ang mga local government units ng mga ordinansa na magpaparusa sa hidni pagsusuot ng face masks.
Pero pinalagan ito ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya: "If you look at the IATF resolutions... [they] were in fact adopted by the president through an executive order," sabi ni Malaya.
"In the case of the guidelines of June 4, 2022, these were adopted by the president through Executive Order 151... This adopts the [guidelines for the] Alert Level systems issued by the IATF."
"Although it is true that IATF resolutions are primarily recommendatory, when adopted by the president through an executive order then it becomes the law of the land."
Una nang sinabi ng Philippine National Police na ipatutupad pa rin nila ang pagre-require sa publiko ng face masks sa kabila ng utos ng Cebu provincial government.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi pwedeng isantabi nina Garcia ang IATF rules lalo na't binubuo ang IATF ng Cabinet secretaries na alter egos ni Duterte.
Umabot na sa 3.69 milyon ang naghahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula 2020. Sa bilang na 'yan, patay na ang 60,461 katao.