MANILA, Philippines — Walang kunsultasyong ginawa ang probinsya ng Cebu sa Department of Health (DOH) sa paglalabas ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ng Executive Order 16 na nagsasabing pwedeng magtanggal ng face masks sa mga well-ventilated at open spaces — ito kahit na meron pa ring COVID-19 cases.
Sa naturang executive order ni Garcia, tanging sa mga "closed," "air-conditioned," "crowded areas" lang ginagawang required ang face masks, maliban sa mga may sintomas ng COVID-19.
Related Stories
"Hindi po kami nakunsulta regarding this move or executive order coming from Cebu," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeiere sa isang briefing, Biyernes.
"Pangalawa, gusto ho lang namin ipaalam sa ating mga kababayan, ang [DOH] po kasama po ng aming ating mga eksperto, ay naninindigan po sa ating posisyon na ang mask po ay still valuable in our response."
"Inirerekomenda natin na ipagpatuloy nating isuot po ang face masks dahil isa po ito sa ating mga panlaban dito po sa COVID-19 na virus na meron tayo ngayon."
Pagdidiin ng DOH official, malaki ang naitulong ng pagsusuot ng maskara sa nakaraang dalawang taon upang mapigilan ang lalong pagkalat ng nakamamatay na virus.
Maliban sa COVID-19, sinabi na rin daw ng mga eksperto na makatutulong ang face masks bilang proteksyon sa nakamamatay na monkeypox na kumakalat na rin ngayon sa mundo.
Kabalintunaan rin aniya ang ganitong kautusan sa Cebu lalo na't nakapapasok ngayon sa bansa ang mga panibagong COVID-19 Omicron subvariants na sinasabing mas nakahahawa kaysa karaniwan. Maliban pa rito, mababa pa rin daw ang bilang ng mga kumukuha ng booster shots laban sa virus lalo na sa probinsya.
Isang linggo pa lang ang nakararaan nang sabihin ng OCTA Research na tumataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, kahit na mabagal-bagal ito.
Matatandaang binigyan ng otoridad ng presidente ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para sa COVID-19 response, at kinakailangan pa ring sumunod ng mga lokal na pamahalaan sa mga panuntunan nito pagdating sa pandemya.
"Specifically stated in our IATF resolutions, all public and private sectors and all units under each of these government agencies, including local governments, should comply and abide with the protocols of IATF," wika pa ni Vergeire.
"By saying that, maliit na sakripisyo para maprotektahan ang tayong mga kababayan natin... Sana po ay 'wag nating kontrahin."
"Dahan-dahan lang po tayo, hinay-hinay. Makakarating din po tayo doon sa gusto nating new normal kung saan wala na po tayong restrictions."
Meron ding ipinatutupad na Republic Act No. 11332 ang bansa na nagsasabing national government ang may karapatan maglabas ng protocols sa panahon ng mga public health emergencies. At sakop nito ang mga local government units.
Una nang pinalagan ng Department of the Interior and Local Government, na namamahalaga sa mga LGU, ang kautusan ni Garcia. Patuloy pa rin naman daw manghuhuli at maninita ang Philippine National Police ng mga lalabag sa mask mandates na ipinatutupad sa bansa.
Kasalukuyang nasa mahigit 3.69 milyong kaso na ng COVID-19 ang naitatala sa bansa simula noong 2020, bagay na pumatay na sa 60,456 katao.