P1 taas-pasahe sa jeep, aprub ng LTFRB
MANILA, Philippines — Simula ngayong araw (Huwebes) ay ipatutupad na ang minimum na provisional na P1 taas-pasahe sa lahat ng pampasaherong jeep sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at Mimaropa.
Sa ipinalabas na desisyon kagabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), minabuting ipatupad muna ang P1 provisional fare increase upang maibsan kahit paano ang nararanasang epekto ng jeepney group sa mataas na halaga ng petroleum products.
“The board hereby resolved to consider, lift and set aside the order dated March 21, 2022 and grants the prayer for P1 provisional fare increase,” ayon sa desisyon ng LTFRB board.
Sinabi ni LTFRB executive director Kristina Cassion, ang mga grupong 1-UTAK, PASANG MASDA, ALTODAP, LTOP at ACTO ay humiling sa LTFRB noong Marso na maipatupad muna ang provisional increase na P1 hangga’t wala pang desisyon ang LTFRB sa kanilang unang petisyon.
Una nang hiniling ng jeepney group na kung magiging P10 ang pasahe sa jeep ay nais pa nilang maging P15 ito o madagdagan ng P5 dahil sa matinding dagok sa kanilang hanapbuhay ng serye ng oil price hike.
Minabuti naman ng LTFRB na unahin ang pagkilos sa P1 dagdag na provisional na pasahe para mapag-aralang mabuti ang usapin sa pagtataas ng pasahe sa jeep.
Binigyang diin ni Cassion na ramdam nila ang epektong dulot ng mataas na presyo ng petroleum products na nagdudulot ng epekto sa hanapbuhay ng mga driver at operators ng mga pampasaherong sasakyan pero kinokonsidera rin nila ang epektong idudulot ng anumang desisyon sa mamamayan. Ginawang provisional increase ang taas sa pasahe upang wala ng serye ng pagdinig sa fare hike petitions.
- Latest