MANILA, Philippines — Tutulong si outgoing Senate President Vicente Sotto III sa papasok na administrasyong Marcos para ipagpatuloy ang paglaban sa iligal na droga ng Duterte Administration.
Matatandaan na si Sotto ang may akda ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165 na naglikha sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Ayon kay Sotto, na kinausap siya ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez at sinabi na kung maaaring makipag-ugnayan sa kanya at pumayag naman siya.
Bago umano ito ay mayroon na rin silang inisyal na usapan kay incoming president Bongbong Marcos Jr. kaugnay sa umano’y problema sa iligal na droga sa bansa .
Nais umano ng papasok na administrasyon na ituloy ang paglaban sa iligal na droga base na rin sa kahilingan ni Pangulong Duterte na ituloy ang kanyang nasimulang flagship program.
Siniguro naman ni Sotto sa publiko na kung mabibigyan siya ng tsansa na tumulong sa gobyerno para tugunan ang problema ng bansa sa ilegal na droga, at sindikato ng ilegal na droga ay gagawin niya ito ng naayon sa full force ng Republic Act 9165.