US kinampihan ang Pinas sa fishing ban ng China

“The PRC’s unilateral fishing moratorium in the South China Sea is inconsistent with the 2016 Arbitral Tribunal ruling and international law as reflected in #UNCLOS,” tweet ni US State Department spokesperson Ned Price.
Philstar.com / File Photo

MANILA, Philippines — Kinampihan ng Estados Unidos ang Pilipinas sa pagpuna sa unila­teral seasonal fishing ban na idineklara ng China sa ilang bahagi ng West ­Philippine Sea (WPS).

“The PRC’s unilateral fishing moratorium in the South China Sea is inconsistent with the 2016 Arbitral Tribunal ruling and international law as reflected in #UNCLOS,” tweet ni US State Department spokesperson Ned Price.

Kasabay nito, nanawagan din si Price sa China na sumunod sa obligasyon na nasa ilalim ng international law.

Isinama rin niya ang pahayag ng Pilipinas na naghain ng diplomatikong protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa unilateral na pagpataw ng 3.5-buwang fishing ban, na sumasaklaw sa mga lugar sa West Philippine Sea kung saan ang Pilipinas ay may soberenya at hurisdiksyon.

Inulit ng DFA noong Mayo 31 ang patuloy na protesta nito sa pag­dedeklara ng China ng fishing ban.

Muli rin nitong pinagtibay ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawakang pag-angkin ng Beijing sa katubigan — isang mahalagang desisyon na patuloy na binabalewala ng nasabing bansa.

Nitong Huwebes ay tinanggihan ng China ang protesta ng Pilipinas, at sinabing hindi nito tatanggapin ang “hindi nararapat na akusasyon” ng gobyerno.

Show comments