Taas presyo ng tinapay dahil sa taas ng halaga ng sangkap
MANILA, Philippines — Nilinaw ng pamunuan ng Philippine Association Of Flour Millers, Inc. (PAFMIL) na ang pagtaas ng halaga ng tinapay ay dahil sa tumaas na presyo ng sangkap sa paggawa ng tinapay at hindi dahil sa kakulangan sa harina.
Ayon kay PAFMIL Executive Director Ricardo Pinca, walang shortage sa suplay ng harina sa ating bansa.
“Malinaw ‘yan, mayroon tayong 90-day supply available at any time. Ang problema ay tumataas ang presyo ng lahat ng ingredients sa paggawa ng tinapay,” sabi ni Pinca.
Binigyang diin nito na magiging malaki ang kalugihan ng mga magtitinapay kung hindi ang mga ito mag-aadjust sa presyo ng mga panindang tinapay.
Hindi naman anya direktang apektado ang Pilipinas sa export ng harina kahit na may giyera sa Russia at Ukraine dahil may tatlong pangunahing bansa na pinagkukunan ng harina ang Pilipinas tulad ng Estados Unidos, Canada at Australia.
“Iyong mga bansa na bumibili sa Russia at Ukraine ay hindi na makakabili sa kanila. Kaya ang nangyari, nagpupunta sila ngayon sa US, Canada at Australia at doon sila bumibili kaya tumataas ang presyo,” paliwanag ni Pinca.
- Latest