Imee Marcos: Bongbong admin 'posibleng' makipagtulungan kay Robredo
MANILA, Philippines — Kung si Sen. Imee Marcos ang tatanungin, pwedeng makipagtulungan ang kapatid niyang si President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa karibal at nakalabang si Bise Presidente Leni Robredo — aniya, "walang imposible."
Kilalang kritiko ng Martial Law at dikdatura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. — ama nina Bongbong at Imee — si Robredo, na siyang tumakbo rin sa pagkapangulo para sa 2022 ngunit natalo.
"Everything is possible. 'Yun nga ang sinasabi ng nanay ko. Walang masamang tinapay. Baka maging kaalyado mo pa," banggit ni Imee, Miyerkules, sa panayam ng ANC.
"I think this is what we need to do. I've spoken also of a second chance. And the truth is, sometimes a second chance is better than the first time around. Because of course you learned your mistakes from the first time."
Una nang inirekomenda ni Imee sa susunod na pangulo na bumuo ng Gabineteng magsisilbing "team of rivals," kung saan bubuuin ito ng mga magkakalaban sa pulitika ngunit nagkakaisa para sa ikabubuti ng bansa.
Hinihingi pa ng Philstar.com ang reaksyon ng kampo ni Robredo hinggil dito at kung bukas siyang italaga ni Bongbong sa posisyon ng gobyerno ngunit hindi pa rin tumutugon ang tagapagsalita niyang si Barry Gutierrez.
Sa kabila nito, kinakailangang matapos muna ang "one year ban" sa mga natalong kandidato sa eleksyon kung itatalaga sila sa gobyerno, alinsunod sa Article 9 (B), Section 6 ng 1987 Constitution.
"We start with the tabula rasa, we start with an even playing field, accepting all those Filipinos who are willing to serve and are capable of giving their best to our country," patuloy pa ni Imee. — James Relativo
- Latest