MANILA, Philippines — Mahilig ka ba sa video games at gustong mag-ensayo sa pagmamaneho? Magugustuhan mo ang bagong pasilidad ng Land Transportation Office (LTO).
Pinasinayaan na kasi nina Transport Secretary Arthur Tugade at LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante noong Huwebes ang moderno, "state-of-te-art" at bagong Road Safety Interactive Center sa LTO Main Central Office sa Quezon City.
"Makikita sa loob ng Road Safety Inter-Active Center ang mga driving simulators kung saan mala-video arcade ang kagamitan na puwede mong subukan para makatulong sa pag-eensayo mo sa pagmamaneho," ayon sa Department of Transportation (DOTr), Martes.
"Makatotohanan ang simulators na gumagamit ng virtual reality para sa iba't-ibang klase ng mode of transportation tulad ng 4-wheeled cars (manual and automatic) at motorsiklo."
May mga trivia games din itong maaaring subukan para tungkol sa road safety, road signs, warnings at regulatory signages.
Meron din itong 4D mini theater kung saan makakapanuod ng informative videos tungkol sa road safety, teen driving, older drivers, pedestrian safety, pag-iwas sa pagkanakaw ng sasakyan at uri ng public utility vehicles.
Ang nasabing inter-active center ay may 10 istasyon gaya ng:
- LTO Historical Timeline
- LTO Artifacts
- Road Safety Campaign
- Edutainment Kiosk
- Road Safety Inter-active Games
- Virtual Roadality
- LTO Online Mock Exam
- Driving Simulators
- Life Size Road Accident Diorama
- 4D Mini Theater
"Lahat ng ito ay nakumpleto at naisakatuparan sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Tugade at Asec. Galvante na layong gawing mas maginhawa, ligtas at maayos ang serbisyo para sa publiko sa pamamagitan ng patuloy na pagsusulong ng digitization," dagdag pa ng DOTr.
Bagama't hindi pa binabanggit ang petsa, sinabing malapit na ring buksan ang naturang Road Safety Interactive Center para sa publiko. — James Relativo