MANILA, Philippines — Inaasahan ng Department of Education (DepEd) na pagsapit ng Hunyo 2022, ang lahat ng paaralan sa bansa ay nagdaraos na ng face-to-face classes, sa kabila ng nananatiling banta ng COVID-19 pandemic.
Sa Laging Handa public briefing nitong Lunes, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang mga regional offices ay bubuo ng iba’t ibang pamamaraan, base sa assessment ng Department of Health (DOH) at mga local governments sa kanilang lugar.
“By June, which is already a few days away from now, sa next academic school year, ini-expect natin na fully 100% na talaga ‘yung pag-implement natin ng face-to-face classes,” ayon kay Briones.
Hanggang nitong Mayo 26, mahigit 34,000 o 73% na ng mga public schools ay handa sa face-to-face classes.
Pinayuhan na rin aniya ng DepEd ang mga private schools na mag-face-to-face classes na rin.
Samantala, sinabi naman ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na hinihikayat na ng DepEd sa ngayon ang lahat ng paaralan na mag-face-to-face classes na, na may limitadong bilang ng mga araw ng in-person meetings.
Ayon kay San Antonio, tinitingnan nila ang posibilidad ng pagkakaroon ng blended learning, na may ilang araw na face-to-face classes at may araw na papayagang sa bahay pa rin mag-aral at matuto ang mga bata.
Isusulong aniya ng DepEd ang naturang setup kung pahihintulutan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang ilang araw sa isang linggo para sa face-to-face classes.
Tiniyak naman ni DepEd Undersecretary Revsee Escobedo na ikukonsidera pa rin nila ang pag-sang-ayon ng mga local government units (LGUs) at mga magulang sa pagdaraos ng in-person classes upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.
May ilang paaralan naman aniya ang humihiling na pahintulutan na rin ang mas marami pang grade levels at mga estudyante na lumahok sa face-to-face classes.