Quirino Grandstand, target venue ng Marcos inauguration
MANILA, Philippines — May pinagpipilian na umanong mga lugar ang kampo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan gagawin ang kanyang inauguration .
Sinabi ni Senador Imee Marcos na wala pang tamang lugar na napipiling venue ang kanilang pamilya para sa inauguration ng kanyang kapatid, subalit kinokonsidera nila na gawin ito sa Quirino Grandstand kung saan dito lagi nagkakaron ng major public apperances ang kanyang ama noong termino niya.
Idinagdag pa ni Marcos, na gusto nila ng outdoor bilang pag-iingat na rin sa COVID-19 at ayaw nilang ma-expose ang mga tao dito, subalit kinokonsidera pa rin nila ang magiging lagay ng panahon.
Kaya nagdadalawang-isip din umano ang kanyang kapatid na si Irene Marcos-Araneta na in-charge sa paghahanda ng inauguration sa Luneta grandstand dahil panahon na ng tag-ulan.
Sa kabila nito, gusto pa rin umano nilang idaos ang inauguration sa Luneta Grandstand kaya plano nilang makipag-usap tungkol dito kay Manila City Mayor Isko Moreno.
Kabilang din naman sa venues na pinagpipilian ng pamilya Marcos para sa inauguration sa Hunyo 30 ay ang Fort Santiago at National Museum na ginamit na lumang gusali ng Senado.
Iginiit pa ni Imee na base sa nakaugalian, ang tatay niya ay laging ginagawa ang inagurasyon sa Quirino grandstand hanggang noong 1969.
Kaagad naman umano silang hahanap ng lugar at ikokonsidera ang panahon at sitwasyon ng COVID-19.
- Latest