Texas shooting: 21 patay, 18-anyos gunman, todas din
MANILA, Philippines — Patay ang 21 katao kabilang ang 19 mga estudyante matapos pagbabarilin ng isang teenage gunman ang isang elementary school sa South Texas nitong Martes.
Base sa ulat ng Reuters, ang suspek na si Salvador Ramos, 18-anyos, ay napatay din ng mga pulis na rumesponde sa insidente, habang dalawa rin umanong pulis ang natamaan ng bala, subalit hindi naman umano seryoso ang natamo nilang sugat.
Lumalabas sa ulat na mag-isa lamang ang suspek ng biglang pumasok sa Robb Elementary School sa Uvalde, Texas.
Bago ang insidente ay binaril muna umano ni Ramos ang kanyang lola at kaagad tumakas sakay ng kotse na bumangga malapit sa nasabing paaralan.
Kaagad umanong minasaker ng suspek ang mga biktima kung saan 19 dito ang bata at 3 ang matatanda.
Wala pang malinaw na dahilan kung bakit nagawa ni Ramos ang krimen.
Lumalabas din sa ulat na si Ramos ay nakasuot ng body armor at lumabas sa kanyang sasakyan habang bitbit ang baril at nakipagbarilan muna sa mga otoridad bago tuluyang nakapasok sa paaralan.
Ipinag-utos naman ni US President Joe Biden na ilagay sa half-mast ang kanilang bandila bilang pagluluksa sa nasabing insidente.
Iginiit din niya ang kahalagahan ng “common-sense gun laws” sa kanilang bansa.
Ayon kay Biden, sawa na at pagod na siya sa paulit-ulit na nangyayaring pamamaril.
- Latest