MANILA, Philippines (Updated 7:20 p.m.) — Idineklara na ng Konggreso sina Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Dutertre-Carpio bilang panalo sa pagkapangulo at pagkabise sa nagdaang 2022 national elections.
Ito ang ginawa ng National Board of Canvassers, Miyerkules, matapos magtamo si Bongbong ng 31,629,783 boto, dahilan para siya ang maging ikalawang Marcos na maluluklok sa Malacañang.
Related Stories
"I ask you all to pray for me, to wish me well. I want to do well because when a president does well, the country does well," sambit ni Bongbong sa isang talumpati matapos maiproklama.
"I am humbled because for anyone in public service or in a public life, the most valuable thing you may recieve from a fellow citizen is their vote. Because embedded in that vote are their hopes, their aspirations for the future."
Hindi man daw perpekto, gagawin daw ni BBM ang lahat upang mag-"strive for perfection." Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga guro, ang Comelec atbp. na tiniyak ang tagumpay ng naturang halalan.
"[What I can] say is in my experience, [this is] the best ran election that we have seen. And that it has reflected truly the voice of the people and the choice of the people," dagdag pa ng president-elect.
Si Duterte-Carpio, na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, naman ang tatayong ikalawang pangulo. Pareho silang uupo bilang dalawa sa pinakamatataas na opisyal ng Pilipinas sa araw ng kanilang inauguration sa ika-30 ng Hunyo, alinsunod sa 1987 Constitution.
Kanina lang nang magtamo ng sugat ang hindi bababa sa 10 katao sa harapan ng Commission on Human Rights (CHR), para tutulan ang aniya'y "maruming" eleksyon na magluluklok kina Marcos at Duterte-Carpio.
Nangyayari ito kahit na una nang naiulat na nawawala pa ang ilang certificates of canvass mula sa Mandaluyong, Sulu, Manila at Cagayan de Oro.
'Second chance para sa mga Marcos'
Nagpasalamat naman si Sen. Imee Marcos sa lahat ng mga sumuporta sa kandidatura ng kanyang kapatid na si Bongbong, lalo na't nabigyan daw ng ikalawang pagkakataon ang kanilang pamilya na makapagsilbi.
"Yes, we're very, very grateful for a second chance... Dahil medyo mabigat ang pinagdaanan ng aming pamilya. Matapos 'yung 1986, kung anu-anong kaso 'yung hinarap namin, kung anu-anong pangungutya at pang-aapi, sabihin na natin," wika niya sa isang panayam.
"Medyo hirap talaga 'yung pamilya namin for almost four decades."
Sen. Imee Marcos says her brother’s apparent victory is a “second chance” for their family, which she describes as having been “picked on” since 1986.
The Marcoses fled Malacañang during the People Power Revolution, which ended their patriarch’s dictatorship @PhilstarNews pic.twitter.com/k8YIc27yCU— Xave Gregorio (@XaveGregorio) May 25, 2022
Matatandaang pinatalsik ng taumbayan gamit ang pag-aalsang EDSA People Power noong 1986 ang kanilang amang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na kilala hindi lang para sa matinding human rights violations noong Martial Law simula 1972 ngunit pati na rin sa ill-gotten wealth — bagay na kinikilala ng Supreme Court noong 2003, 2012 at 2017.
Hinahabol pa rin ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang mga nakaw na yaman ng kanilang pamilya hanggang ngayon. Gayunpaman, pinangangambahan ng ilang mahirapan na ang gobyerno rito lalo na't una nang sinabi ni Bongbong na gagawin itong anti-corruption commission na "hindi na lamang anti-Marcos."
"Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagtiwala sa amin, mula sa mga loyalista, mga Ilokano, lahat ng naniniwala na kinakailangan ng ating bansa ay talagang matibay na pamumuno," sabi pa ni Imee.