'Pero paano?': Duterte itutuloy 'war on drugs' sa pag-alis sa Malacañang
MANILA, Philippines — Hindi ititigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersyal at madugong "gera kontra droga" kahit na mapalitan na sa pwesto't bumalik sa pagiging sibilyan.
Sinabi niya ito sa isang talumpating iniere, Lunes ng gabi, dalawang araw bago posibleng maiproklama si presumptive president Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa Miyerkules.
"Presidente ako o hindi, galit talaga ako sa inyo [drug pushers/users]. Kaya we can continue this fight even if I am already a civilian," wika ni Duterte.
"Mahirap itong shabu na 'to, sabi ko sisirain ang bayan nito. They will make the Philippine society dysfunctional. Kaya sabi ko... I’d be happy to see you dead than alive kayong mga drug lords. Iyong basurero, the peddlers, ano na 'yan."
Hindi inilinaw ni Digong kung paano niya ito gagawin. Bago naging presidente, nanungkulan bilang mayor ng Davao City si Duterte, kung saan naging notoryus ang vigilante group na Davao Death Squad (DDS) simula pa noong 1990s.
Ayon sa ulat ng Human Rights Watch, itinuturo ang grupo bilang responsable sa summary execution ng mga pinararatangang tulak ng droga, petty criminals at batang langsangan sa Lungsod ng Davao.
Setyembre 2021 lang nang aprubahan ng International Criminal Court ang full investigation sa "crimes against humanity" pagdating sa madugong anti-drug campaign ni Duterte nang maluklok na pangulo, bagay na pumatay na sa 6,241 ayon sa gobyerno. Ilan sa mga napaslang ng mga pulis ang 17-anyos na si Kian delos Santos kahit hindi nanlaban, ayon sa korte.
"They should be able to kill the drug lords without mercy. Hayaan mo ‘yang human rights [groups] na ‘yan. Hindi makatulong sa bayan natin ‘yan," dagdag pa ni Duterte.
"You know, itong human rights, they are — all they have to do — all that they can do really is posturing, hanggang diyan lang ‘yan sila. They cannot help the country."
"So gusto kong dapat malaman ‘yan ng mga durugista. I will forever remain your enemy. Iyan ang tandaan ninyo."
Sa parehong talumpati, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na umabot na sa P11-bilyong halaga ang pinakamalaking nalambat ng mga otoridad na shabu, bagay na katumbas ng 1.6 tonelada.
Mula 2016 hanggang Marso 2022, aabot naman na sa P76.16 bilyong halaga ng shabu ang nasabat ng gobyerno, na siyang katumbas naman ng 11,788.33 kilograms.
Inaasahang maiproproklama rin ngayong linggo si presidential daughter, presumptive vice president at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
- Latest