Batangas niyanig ng magnitude 6.1 lindol
MANILA, Philippines — Niyanig ng 6.1 magnitude na lindol ang Batangas, kahapon ng umaga.
Base sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), dakong alas-5:50 ng umaga nang maramdaman ang lindol na ang epicenter ay 18 kilometro mula sa Calatagan, Batangas.
May lalim itong 122 kilometro at tectonic.
Naramdaman ang lindol sa Intensity IV: Calatagan, Batangas; Intensity III sa Quezon City; Pasay City; Pasig City; Tagaytay City; Mendez, Amadeo at Alfonso sa Cavite; at Obando, Bulacan.
Nasa Intensity II naman sa Abucay, Bataan; Gapan City, Nueva Ecija; Castillejos, Zambales; Mandaluyong City; Manila City; Makati City; at Tanay, Rizal.
Paliwanag ni PHIVOLCS Officer-in-Charge and Science Undersecretary Renato Solidum Jr., dahil malalim ang lindol, kahit malakas ito ay hindi ito nagdulot ng malaking pinsala at wala ring inaasahang magaganap na tsunami.
Nagkaroon din naman aniya ng maliliit na aftershock ngunit mahina ang mga ito at hindi halos naramdaman.
Ayon naman kay Ishmael Narag, officer-in-charge ng Earthquake and Tsunami Monitoring division ng Phivolcs, ang lindol ay bunsod ng pagbunggo ng Eurasian Plate sa Pilipinas at duma-dive pailalim sa Manila Trench.
Sinabi naman ni Office of Civil Defense Region 4B information officer Georgina Opinion, wala naman silang natanggap na ulat na damages at casualties sa naganap na lindol.
Patuloy naman ang monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa Calatagan. — Mer Layson
- Latest